MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Northern Police District, Navotas City Police at National Meat Inspection Service (NMIS) ng Department of Agriculture ang higit sa 12,000 kilo ng karne ng peking duck na iligal na kinatay nang salakayin ang isang bodega sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang NMIS ukol sa nakaimbak na mga iligal na karne sa may Kalakal St. Brgy. San Rafael, ng naturang lungsod. Nakipagkoordinasyon ang NMIS sa NPD at Navotas City Police saka ikinasa ang pagsalakay dakong alas-9:30 ng gabi.
Dito naabutan ng mga operatiba ang nasa 1.054 kahon na naglalaman ng iba’t ibang piraso ng peking duck na posible umanong idideliber sa mga Chinese restaurant sa Metro Manila.
Bigo ang mga operatiba na makaaresto ng suspek sa sinalakay na lugar dahil sa posibleng nakatunog ang mga ito sa pagsalakay.
Nakatakda namang dalhin ang mga nakumpiskang karne sa tanggapan ng NMIS-NCR.