Tricycle tinumbok ng trak: 1 patay, 4 sugatan

Nakilala ang nasawi na si Danilo David, 57, ng Valenzuela City. Isinugod sa Tondo Medical Center ang kaniyang misis na si Sarah David, 57, makaraang magtamo ng malubhang pinsala sa katawan.
The STAR/ File

MANILA, Philippines — Patay ang isang tsuper habang malubha naman ang kaniyang pasaherong misis nang mabundol ang sinasakyan nilang tricycle ng isang trak na sumuwag din ang isang bahay na nakatayo malapit sa gilid ng isang kalsada sa Malabon City, Lunes ng madaling araw.

Nakilala ang nasawi na si Danilo David, 57, ng Valenzuela City. Isinugod sa Tondo Medical Center ang kaniyang misis na si Sarah David, 57, makaraang magtamo ng malubhang pinsala sa katawan.

Arestado ang suspek na si Francis Salazar, 25, driver ng Foton Tractor (NBT 5388), residente ng Tondo, Maynila. Nagtamo rin ng pinsala ang tatlo niyang pasahero na isinugod sa Ospital ng Malabon at kinilala na sina John Levin Lagramada, 21; Jay-r Tayron, 30; at John Carlo Santiago, 19.

Sa ulat ng Malabon City Police, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling araw sa kahabaan ng MH Del Pilar malapit sa Panghulo Road sa Brgy. Maysilo ng naturang lungsod. 

Binabagtas ng mag-asawang David ang naturang kalsada sakay ng tricycle nang bigla silang mabundol ng trak na minamaneho ni Salazar.  Sa lakas ng bangga, tumilapon ang tricycle at tumama sa isang poste ng kuryente na nabuwal.  Nagresulta ito sa agarang pagkasawi ni Danilo at malubhang pagkasugat ng misis na si Sarah.

Dumiretso naman ang trak at sinuwag ang isang bahay  sa  MH Del Pilar na  nagresulta ng pagkasira nito.

Nakaditine na ngayon sa Malabon City Police Custodial Center si Salazar na na­haharap sa mga kaso.

Show comments