2 scalper sa SEA Games, timbog

2 scalper sa SEA Games
The STAR/File

P50 na ticket, ibinebenta ng P500

MANILA, Philippines — Hindi na nakapalag nang arestuhin ang dalawang scalper nang maaktuhang nagbebenta ng ‘overpriced tickets’ sa larong volleyball sa 30th Southeast Asian Games sa harapan ng Philip­pine Sports Complex sa Pasig City, kamakalawa ng hapon, ayon sa opisyal.

Kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Romeo Bunani, 45 taong gulang, walang hanapbuhay  at Ernesto Castillo, pedicab driver.

Sa ulat ni Pasig City Police Director Police Colonel Moises Villaceran Jr., ang dalawa ay nasakote pasado alas-2:00 ng hapon sa harapan ng Philippine Sports Complex kahabaan ng St. Martin St., Brgy. Oranbo, Pasig City.

Ayon sa opisyal, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagbebenta ng mga suspek ng overpriced na ticket sa volleyball game sa pagitan ng Pilipinas at Thailand na gaganapin sa nasabing sports complex.

Dahil dito, agad namang pinakilos ni Eastern Police District (EPD) Director Police Brig. Gen. Johnson Almazan ang mga elemento ng pulisya upang iberipika ang nasabing ulat hinggil sa talamak na pagbebenta ng SEA games ticket na umano’y overpriced.

Naaktuhan naman ng mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) at District Intelligence Unit na nagsagawa ng surveillance operation sa lugar ang dalawang suspek.

Nagpanggap ang undercover agent na bibili ng general admission ticket na ibinebenta ng mga suspek sa halagang P 500.00 gayong P 50.00 lang ang orihinal na presyo nito.

Agad namang inaresto ng mga operatiba ang dalawa na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 50,52 at 59 ng Republic Act (RA)  7394 o ang Consumer Act of the Philippines.

Show comments