Doktor na nanigaw, nanlait sa driver na nag-viral, lumutang sa LTO
MANILA, Philippines — Posibleng masuspinde o ipawalangbisa ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng isang doktor na nag-viral sa social media nang pagalitan at laitin nito ang isang driver habang sila ay nagkadikit sa lansangan sa Makati City.
Ito ay makaraang sumalang sa pagdinig na isinagawa ng LTO Intelligence and Investigation Division ang doktor na si Tomas Mendez hinggil sa reklamo ng driver na si Santiago Paredes laban dito.
Ayon kay Jay-R Oabel, hearing officer ng LTO, naging cooperative naman si Mendez makaraang ipatawag ng tanggapan at nasagot naman ang mga tanong sa kanya kaugnay ng naganap na insidente.
Anya, isusumite na lamang nila kay LTO Chief Edgar Galvante ang rekomendasyon hinggil sa magiging resulta ng kanilang imbestigasyon sa insidente at bahala na ang LTO Chief sa gagawing parusa sa doktor.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Paredes na hangad niyang mabigyan ng parusa ang doktor kaugnay ng ginawang paglait nito sa kanya.
Sinabi ni Paredes na hindi niya matanto kung bakit nilait- lait siya ng doktor at sinabihang maduming madumi at hindi naliligo nang hindi lumipat ng ibang lane na request sa kanya ng doktor.
Sinabi naman ni Oabel na titingnan nilang mabuti at pag aaralan ang pahayag ng magkabilang panig kaugnay ng naganap na insidente.
Una nang nag-viral sa social media ang paninigaw at panlalait ni Mendez kay Paredes nang hindi pagbigyan ng huli na lumipat ng lane sa kalsada sa Makati.
Una nang nagsampa ng kaso si Paredes laban sa doktor sa Makati Police Station at hiwalay na kaso pa sa Professional Regulation Commission para tanggalan ng lisensiya sa pagka doctor si Mendez dahil sa inasal sa kanya.
- Latest