MANILA, Philippines – Balik sa pagiging kontrabida ang isang lalaking nag-viral nang sumabit sa pampasaherong dyip at bugbugin ang isang manyakis sa pagtatanggol sa babae at ituring na ‘bayani’ ni Manila Mayor Isko Moreno kamakailan.
Ito ay nang arestuhin siya sa pang-aagaw ng cellphone sa panulukan ng Taft Avenue at Finance Road, sa Ermita, Maynila kahapon .
Kinilala ni P/Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SmART) ang suspek na si Jomar Alingod, na isinailalim sa inquest proceedings kaugnay sa reklamo ng 54-anyos na babaeng negosyante.
Naglalakad sa nasabing lugar ang biktima nang hablutin ni Alingod ang kanyang cellphone na agad namang narespondehan ni P/Patrolman Marc Kevin Manayan na nakakita sa pangyayari.
Noong nakalipas na buwan nang maging viral ang video footage na inupload ng netizen sa Facebook hinggil sa isang lalaking nakasabit sa bintana ng dyip na may binubugbog na pasahero.
Nang mapanood ng alkalde ay agad niyang iniutos na tugisin ito at sa huli ay natuklasang si Alingod na ipinagtanggol lang ang asawa ng kaibigan na hinipuan ng pasahero kaya itinuring siyang bayani.
Kahapon, nang iharap kay Moreno ay nadismaya siya dahil sa krimen na ginawa ni Alingod.
Sinabi pa ni Ibay na noong arestuhin sa kanyang hideout si Alingod ay nagsisigaw ito na ilegal ang pagdakip sa kanya kaya halos kuyugin ng mga residente ang mga pulis.
Sa beripikasyon, si Alingod ay madalas nang makulong sa kasong robbery, ani Ibay.