QUEZON CITY, Philippines — Isang shabu laboratory ang sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang condominium unit na nagresulta sa pagkakadakip sa isang hinihinalang chemist na Korean national sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni NCRPO Acting Director, P/BGen. Debold Sinas ang nadakip na si Jungkil Kim, alyas Joseph, 57 at nanunuluyan sa isang condominium sa Nueva Vizcaya Street cor. Misamis Street, Brgy. Sto. Cristo, ng naturang lungsod.
Sa ulat, sinalakay ng mga tauhan ng NCRPO, Manila Police District, Quezon City Police District at NBI ang naturang condo unit dakong alas-3 kamakalawa ng hapon makaraang magpositibo sa kanilang intelligence gathering na may minimintina rito na shabu laboratory.
Agad na nakakuha ang mga awtoridad ng search warrant sa korte at isinagawa ang pagsalakay kung saan tanging si Kim ang naabutan sa naturang kuwarto. Sinabi ni Sinas na maaaring isang chemist si Kim na siyang nakatala na tenant ng unit.
Narekober ng mga awtoridad sa loob ng condo unit ang 11 pakete na naglalaman ng puting ‘crystalline substance’ at isang pakete ng brown substance na pinaniniwalaang ilegal na droga, mga bote ng iquid chemicals, limang bote ng acetone, iba’t ibang equipment, kalan, iba pang solidong substance at mga drug paraphernalia.
Nasa kustodiya na ng raiding team ang mga nakumpiskang kemikal at mga kagamitan habang hahawakan ng NBI ang imbestigasyon sa naturang kaso.