Ilegal na sugal sa Quezon City , pinabubusisi sa PCSO
QUEZON CITY , Philippines — Hiniling sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na imbestigahan ang patuloy na operasyon ng ilegal na sugal sa Quezon City.
Nakatanggap kamakailan ng report ang PCSO kaugnay sa operasyon ng bookis at loteng sa ilang barangay sa naturang lungsod tulad ng nasa Baesa, Bagbag at Culiat.
Ayon sa impormasyon, isang alyas ‘Dodong Mendez’ at alyas ‘Rose’ ang diumano’y mga operator ng illegal na pasugalan sa mga nasabing barangay.
Patuloy umano ang ilegal na operasyon dahil sa kawalan ng aksyon ng mga operatiba ng Quezon City Police District upang mahigpit na ipatupad ang batas na nagbabawal sa illegal na pasugalan.
“Ano po ba ang meron dito sa bookies at loteng at hindi maaksyonan ng ating kapulisan sa lungsod?” Tanong ng isang impormante na humiling na huwag nang pangalanan dahil sa sensitibong impormasyon.
Ayon pa rito, hindi na kinakailangan pang arestuhin pa ang mga naturang operator at kailangan lamang ay siguradong hindi nakakatanggap ng lagay ang kapulisan upang mapatigil ng tuluyan ang operasyon ng ilegal na pasugalan sa lungsod.
“Kung ang pinakamatataas na opisyal sa QCPD ay hindi tatanggap ng lagay, naniniwala po tayo na titigil ang ilegal na sugal sa lungsod,” dagdag pa nito.
Una nang nangako ang bagong PCSO general manager na si Royina Garma na kanilang pag-iigtingin ang kampanya laban sa ilegal na pasugalan sa buong bansa upang mapalakas at mapalaki ang koleksyon ng ahensya sa mga lehitimong sugal tulad ng Lotto, small-town lottery, Peryahan ng Bayan at Keno.
Tiwala naman ang impormante na magagampanan ni Garma ang kanyang tungkulin, kaya minarapat nilang dumulog sa kanyang tanggapan.
- Latest