MANILA, Philippines — Bumagsak sa kulungan ang isang 48-anyos na lalaki na nagpanggap na opisyal sa komite ng Southeast Asian Games (SEAG) at nagawang makatangay ng pera buhat sa mga nasunugang residente sa isang barangay sa Makati makaraang pangakuan niya ng trabaho kaugnay ng nagaganap na palaro.
Kinilala ni Makati City Police chief, Col. Rogelio Simon ang naaresto na si Rhoderick Malubago, sa Batangas St., Brgy. San Isidro, ng naturang lungsod.
Sinampahan siya ng kasong swindling/estafa ng kanyang mga biktima na sina Marlina Azur, 59; Roland Palapus, 34, jeepney driver; Lorenze Manigbas, 33; Grace Garalde, 56; Arnele Magaso, 35 at Ronald Bellen, 34, sidecar boy, pawang mga nasunugang residente sa Sansibar Street, Brgy. San Isidro.
Sa salaysay ng mga biktima sa pulisya, unang lumapit sa kanila ang suspek sa kanilang tinutuluyang evacuation site at nagpakilalang empleyado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Admin Officer ng ginaganap na SEA Games. Inalok sila ng suspek ng trabaho bilang messenger sa SEA Games na may P20,000 suweldo habang pinangakuan din na gagawing benepisaryo ng ‘housing project’ ng PSC.
Ngunit kapalit nito, nanghingi si Malubago ng tig-P10,000 sa mga biktima upang maproseso umano ang trabaho at ang pagpapatala sa kanila sa housing project.
Nang maibigay ang pera, hindi na nagpakita si Malubago at hindi na rin kumontak dahilan para humingi na ng saklolo sa pulisya ang mga biktima. Alas-12:30 ng madaling araw nang arestuhin ng mga pulis sa kanyang bahay si Malubago.
Nabatid na suot pa nito ang umano’y uniporme ng SEA Games na gamit niya tuwing nanghihikayat siya ng maloloko.
Paliwanag ng suspek, may pinagdadaanan siya na problema sa pera kaya niya nagawa na makapanloko. Nakaditine ngayon ang suspek sa Makati City Police Detention Center.