QUEZON CITY, Philippines — Tumimbuwang ang isang holdaper matapos makipag-agawan at makipambuno ng patalim sa pulis makaraang respondehan ang sumbong ng isang babaeng hinoldap sa Balintawak Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na holdaper na nasa edad 25-30, may taas na 5’4. slim built, nakasuot ng itim na face mask, puting t-shirt at checkered short pants.
Ayon sa biktimang si Katherine Jane Valdez, 34, dalaga, residente ng Ilocos St., Brgy. Bago Bantay, QC, dakong alas-8:15 ng gabi, naglalakad siya patungong Balintawak Market upang mamalengke nang dikitan ng suspek.
Tinutukan umano siya ng patalim at mabilis na hinablot ang kanyang bag saka mabilis na tumakas.
Agad na humingi ng saklolo ang biktima at nagkataon namang nagroronda ang mga pulis na sina Corporals Greggy Albay, Michael Bilar, Sharol De Vera at Benjamin Bongolan ng Traffic Enforcement ng Northern Police District (NPD) at hinabol ang suspek.
Nang makorner ang holdaper sa harap ng Sinotruck Parts and Services sa Bgry. Apolonio Samson ay inundayan nito ng saksak si Cpl. Bilar subalit nagmintis hanggang mag-agawan at magpambuno ang dalawa.
Dahil doon ay bumunot na ng baril sa Cpl. Albay at pinaputukan ang holdaper na tinamaan ng bala ng baril sa ulo na siya nitong agarang ikinamatay.
Nabawi ng mga pulis ang ninakaw na unit ng Cherry Mobile ng biktima na nagkakahalaga ng P4,000.