MANILA, Philippines — Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na bubuksan na sa publiko sa Marso 2020 ang Metropolitan Theatre.
Ang paniniyak ay ginawa ni Moreno matapos na tumugon ang Metropolitan Theater na muling buhayin at ibalik ang makasaysayang teatro.
Matatandaang sinabi ni Moreno na handa naman silang ayusin ito sakaling ibalik sa city government kaya’t puspusan ang ginagawang rehabilitasyon nito para mapanooran sa susunod na taon.
Magiging partisipasyon naman anang alkalde ng pamahalaang lungsod ang pagbibigay ng parking lot sa Metropolitan Theatre upang may maparadahan ang mga guest na gustong manood.
Mararanasan na aniya ng mga kabataan ngayon ang mga panahon ng mga lolo’t lola sa pamamagitan ng panonood ng ‘sarswela’ sa Metropolitan Theatre.
Dagdag pa ng alkalde na palalawakin din nito ang Arroceros Park na uugnay sa teatro.
Matatapos na rin aniya ang disenyo para mabawasan ang usok sa Lawton partikular sa tapat ng Metropolitan Theatre sa pamamagitan ng vertical garden na ilalagay sa lugar.
Dahil sa muling pagbabalik ng nasabing teatro, pinasalamatan naman ni Moreno si Pangulong Rodrigo Duterte dahil ang mga ahensya aniya na tumugon sa muling pagbuhay ng teatro ay nasa ilalim ng opisina ng pangulo ng bansa.