BOC employee timbog sa suhol

MANILA, Philippines — Sinisimulan na ng Bureau of Customs (BOC) ang crackdown sa mga corrupt nilang empleyado, sa pamamagitan nang pag-aresto at paghahain ng kasong administratibo at kriminal nitong Martes sa isang personnel-on-duty na naka-istasyon sa Manila International Container Port (MICP) at sinasabing tumanggap ng suhol.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na ang Assistant Customers Operations Officer na si Cesar Nierva ay tumanggap umano ng kabuuang P7,880 cash na iniipit sa mga dokumento na inihain sa Entry Processing Unit (EPU) kaya’t inaresto ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ang operasyon ay isinagawa alinsunod sa anti-corruption driver ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, na nag-aatas kay Deputy Commissioner for Intelligence Group (IG) Raniel Ramiro na tugisin ang mga corrupt officials at employees ng bureau. 

Sinabi naman ni Guerrero na ang naturang latest sting operation ay magtutuluy-tuloy at hindi “one-time thing” o minsanan lamang.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang Customs Intelligence Group na tumatanggap si Nierva ng suhol mula sa mga brokers at processors sa EPU.

Ipinasa naman ng unit ang impormasyon sa PCG, na siyang naatasang mangalap ng ebidensiya sa kaso. 

Nitong Martes ng hapon, positibong tinukoy ng PCG si Nierva na siyang tumanggap ng bribe money, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Dinala si Nierva sa Enforcement Security Service (ESS)-MICP office, kung saan siya isinailalim sa interogas­yon hinggil sa itim na eco bag na naglalaman ng P7,880 na cash.

Nitong Miyerkules naman, dinala na si Nierva sa Manila Regional Trial Court (RTC) para isailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Article 210 ng Revised Penal Code, na nagbabawal sa mga empleyado ng pamahalaan na tumanggap ng anumang alok, pangako, at regalo na may kaugnayan sa pagtupad nila sa kanilang official duties.

“We want to send a message to all bureau employees that we’re serious about dismantling systematic corruption in this administration. We are going to get to the bottom of every corrupt practice in this bureau,” ani Guerrero.

Show comments