PARAÑAQUE, Philippines — Nasa 11 sangay ng isang POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) service provider ang ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa lungsod ng Parañaque dahil sa hindi umano pagbabayad ng kaukulang buwis.
Alas-9 ng umaga nang salakayin at ikandado ng mga tauhan ng Task Force POGO ng BIR ang apat na gusali sa magkakahiwalay na lugar sa Parañaque City na nagpapatakbo ng 11 POGO branches.
Nabatid na ang mga POGO branches ay pag-aaari ng New Oriental Club 88 Corp na may main office sa may Chino Roces Avenue, Makati City. Bagama’t nakarehistro ang main branch nila sa BIR, hindi naman nakatala ang mga itinayo nilang mga sangay, ayon kay Deputy Commissioner for Operations Arnel Guballa.
Sa kabila nito, nagbigay ang BIR ng 48 na oras na notice para mairehistro ng pamunuan ng New Oriental ang kanilang mga sangay o tuluyang isasara ang mga ito.
Pinalakas ng pamahalaan ang paghahabol sa mga ilegal na POGOs makaraan ang kahilingan ng pamahalaan ng Tsina na habulin ang mga kompanya na ilegal na nagre-recruit ng kanilang mga mamamayan.
Ang New Oriental ang isa sa pinakamalaking kompanya na nagpapatakbo ng ‘offshore gaming operations’ sa bansa na may higit 6,000 empleyadong Chinese national at nasa 50 na Pilipinong mangagawa. Mayroon din itong negosyo sa ‘customer relations service’ at ‘live streaming studio’.
Tinatayang aabot sa P20 bilyon kada taon ang buwis na makokolekta sa mga POGO na nasa Pilipinas habang may panukala naman ang Department of Finance na kunan ng ‘income tax’ ang mga empleyado nito.