MANILA, Philippines —Timbog sa mga awtoridad ang isang sinasabing lider ng teroristang grupong New People’s Army (NPA) at tatlong tauhan nito habang nasa loob ng hospital at nagpapagamot sa San Juan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang naarestong suspek na si Jaime Padilla, alyas Ka Delio, 60, sinasabing tagapagsalita ng NPA Southern Tagalog at miyembro umano ng National Information Bureau ng Communist Party of the Philippines (CPP) Central Committee.
Bukod kay Padilla, inaresto rin ng mga awtoridad ang tatlong katao na nagbabantay sa kanya sa pagamutan na sina Rey Rafa, 30, Jefren Banjawan, 26 at Kay Ann Trogon, 27 na sinasabing miyembro rin ng NPA.
Si Padilla ay kasama rin umano sa hawak na listahan ng mga terorista ng Department of Justice (DOJ).
Ayon sa report, si Padilla ay nadakip sa loob ng isang hospital sa Greenhills West, San Juan City dakong alas-7:30 ng gabi.
Inaresto si Padilla sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte dahil sa kasong murder at double murder case.
Ayon sa ulat ang pagkadakip ay bunsod sa natanggap na intelligence report ng pinagsanib na puwersa ng PNP at AFP tungkol sa kinaroroonan nito.
Naka-confine si Padilla sa isang pribadong silid sa pagamutan dahil sa dinaranas na hypertension nang isilbi sa kanya ang warrant of arrest. Wala namang nakumpiskang anumang armas ang mga pulis mula sa mga suspek nang maaresto ang mga ito.
Kaagad namang dinala ang mga suspek sa tanggapan ng CIDG-NCR sa Camp Crame upang ikulong.