MANILA,Philippines — Hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang lalaki nang mahulog mula sa carpark ng isang kilalang mall sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, na inilarawang nasa edad 20 hanggang 25-anyos, katamtaman ang laki ng pangangatawan, may taas na 5’5”, at nakasuot ng itim na t-shirt at itim na jogging pants.
Batay sa isinagawang pagsisiyasat ni Pat. Julius Vinasoy, ng Quezon City Police District -Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong alas-8:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa carpark ng isang kilalang mall, na matatagpuan sa EDSA, Brgy. Bagong Pagasa, Quezon City.
Sa salaysay sa pulisya ng security guard na si Richard Mangaliag, nabatid na kasalukuyan siyang nagroronda sa bisinidad ng mall nang makarinig ng malakas na paglagapak ng isang bagay.
Nang alamin ang pinagmulan nito, nadiskubre ng guwardiya ang biktima na duguang nakabulagta na sa ground floor ng mall kaya’t kaagad na ini-report ang insidente sa kanyang mga superior at humingi ng tulong sa medical rescue ngunit hindi na rin ito naisalba pa.
Inaalam pa naman ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at kung nahulog ba ito, itinulak o sadyang tumalon na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.