Bangkay ng HR manager, nadiskubre

MANILA,Philippines — Masangsang na amoy ang naging dahilan upang madiskubre ng mga otoridad ang naaagnas nang bangkay ng isang human resource manager sa loob ng kanyang tinutuluyang apartment unit sa Brgy. Concepcion Uno, Marikina City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Chito Aquilisan Jr., 64, binata, at residente ng No. 5 Unit 6 Building 2 Victor Apartment, na matatagpuan sa Torres St., Brgy. Concepcion Uno.

Lumilitaw sa report ng Marikina City Police na dakong alas-4:30 ng hapon nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang apartment unit.

Nabatid na isang concerned citizen ang tumawag sa mga tauhan ng Police Community Precinct 6 (PCP-6) ng Marikina City Police at ipinaabot na may masangsang na amoy na nagmumula sa unit ng biktima.

Kaagad namang nagtu­ngo sa lugar ang mga otoridad at nang beripikahin ay nadiskubre ang bangkay ng biktima sa kanyang kama.

Huli umanong nakitang buhay ang biktima ng kanyang mga kapitbahay, ganap na alas-8:00 ng gabi noon pang Nobyembre 21.

Ayon sa kanyang mga kapitbahay, dumaranas ng sakit na prostate cancer ang biktima na hinala ng mga otoridad ay posibleng siyang ikinamatay nito.

Show comments