MANILA, Philippines — Mahigit sa 4,000 ang mga nahuli sa pagpapatuloy ng isinasagawang ‘nationwide intensified enforcement’ sa mga batas trapiko.
Ayon sa tala ng Land Transportation Office (LTO) hanggang alas-11 Biyernes ng gabi, may kabuuang 4,621 ang nahuling mga drayber dahil sa iba’t- ibang paglabag sa mga batas trapiko sa bansa.
Karamihan sa mga ito ay lumabag sa Republic Act (RA) 4136 o Land Transportation and Traffic Code dahil walang plaka, walang rehistro at mga kahalintulad na paglabag na umabot ng halos 4,000.
Pangalawang traffic violation ang hindi pagsi-seatbelt na nasa 1,358 ang nahuli kasunod ng halos 900 na hindi nagsusuot ng helmet na mga motorcycle rider.
Hindi rin nakalusot ang mga pasaway na tinikitan dahil sa paglabag sa anti-distracted driving o paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o may mga gamit na nakaharang sa dashboard ng kanilang sasakyan na nagsisilbing sagabal.
Tatlo ang nahuling lasing na nagmamaneho, nasa 97 naman ang lumabag sa RA 10666 o Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015. Samantala, higit 400 naman ang dumaan sa saglit na lecture ng LTO.
Katuwang ng LTO sa nationwide crackdown laban sa mga pasaway na rider at driver ang iba’t ibang ahensiya, gaya ng Highway Patrol Group (HPG) at Philippine National Police (PNP).