MANILA, Philippines — Kinumpiska ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang naglipanang karneng baboy na may kwestyonableng kaledad sa isang pamilihang bayan sa kabisera ng bansa, Huwebes ng umaga.
Umabot sa 263.3 kilo, o 580.48 pounds, ng pinaghihinalaang "double dead" na pork ribs ang nasabat ng Manila City government meat inspectors sa New Antipolo Market sa Blumentritt kanina.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsamang lakas ng Manila Veterinary Inspection Board at National Meat Inspection Service Enforcement Team.
Ayon kay Dr. Nick Santos, hepe ng Manila Veterinary Inspection Board, naglalabas ng "mabahong amoy" at "may kakaibang kulay" na ang mga nasabing karne.
Sa kanilang pagtataya, hindi rin daw maayos ang paghawak at pagtatambak inilalakong pagkain.
"Pinatitindi ng VIB Enforcement Squad Team ang kampanya nito laban sa mga nagsasamantala sa Kapaskuhan para sa kanilang aktibidades, kung saan biktima ang publikong kumakain, lalo na ang mga Manilenyo," sabi ni Santos sa Inggles.
Dagdag pa kay Santos, malinaw na paglabag ito sa Republic Act 10611 o Food Safety Act, pati na rin ng RA 10536 o Meat Inspection Code of the Philippines.
Santos said this was a clear violation of Republic Act No. 10611 or the Food Safety Act as well as Republic Act No. 10536 or the "Meat Inspection Code of the Philippines."#AlertoManileno pic.twitter.com/1DO9ASzivv
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) November 21, 2019
Ang mga karneng "botcha," na nagmumula sa mga hayop na namatay sa sakit, ay madalas na ibinebenta sa mas murang halaga at lubhang delikado sa kalusugan ng tao.
Maaaring magkaroon ng diarrhea o food poisoning ang sinumang makakakain ng ganitong klase ng karne, ayon sa Department of Health.
Itinala naman ng DOH ang ilang sinyales para malaman kung botcha o hindi ang binibiling karne:
- maputla ang kulay na mangasul-asul o may pagkaberde-grey
- malagkit
- mabaho ang amoy
- malamig (sinyales na pinalamig)
- hindi maayos ang pagkakalinis ng balahibo at balat
- mas mura kaysa sa sariwang karne