1 preso namamatay kada araw sa Bilibid

Nasa 300 hanggang 800 na preso ang namamatay sa pangangalaga ng BJMP kada taon dahil sa pagkakasakit. Ngunit kung ang Bilibid ay may sariling pagamutan, kinakailangan pang dalhin ng mga tauhan ng BJMP ang mga maysakit na bilanggo sa pinakamalapit na pagamutan para madaluhan ng mga doktor.
Ernie Peñaredondo/File

Kulang na sa medical personnel, kulang pa sa gamit

MANILA, Philippines – Kritikal na ang kondis­yon ng mga nagkakasakit sa New Bilibid Prisons (NBP) kung saan isang bilanggo ang nasasawi kada araw dahil sa kakapusan ng mga medical personnel at gamit.

Ito ay ayon kay Henry Fabro, hepe ng NBP Hospital na nagsabing napakataas na ng “death rate” sa naturang bilangguan kumpara sa katanggap-tanggap na “universal standards”.

Nasa apat hanggang limang doktor lamang umano ang nagsisilbi sa NBP katuwang ang 40 nurses habang walang sapat na gamit ang NBP Hospital para malapatan ng lunas ang mga bilanggo na may matinding karamdaman, ayon kay Fabro habang dumadalo sa 3rd Asia-Pacific Conference of Prison Health sa Makati City.

Sa kabuuang kundisyon ng Bureau of Corrections, nasa kabuuang 13 doktor lamang ang nagsisilbi sa lahat ng pasilidad nito sa buong bansa na may 47,000 bilanggo.

Nangunguna na sanhi ng pagkamatay ng mga bilanggo ang atake sa puso kasunod ang stroke dulot ng hypertension at malalang sakit sa kidney.

Sa panig naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), may 12 doktor at dalawang psychiatrists ito na nakakalat sa 478 nilang detention facilities sa buong bansa para pagsilbihan ang nasa 136,000 bilanggo na dinidinig pa ang mga kaso sa korte.

Nasa 300 hanggang 800 na preso ang namamatay sa pangangalaga ng BJMP kada taon dahil sa pagkakasakit. Ngunit kung ang Bilibid ay may sariling pagamutan, kinakailangan pang dalhin ng mga tauhan ng BJMP ang mga maysakit na bilanggo sa pinakamalapit na pagamutan para madaluhan ng mga doktor.

 

Show comments