MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine Military Academy ngayong Biyernes ang pagkasawi ng isa pa nilang kadete sa Lungsod ng Baguio dahil diumano sa pagkalunod.
Kinilala ang nasawi bilang si Fourth Class Cadet Mario Telan Jr.
Ayon sa ulat ng ONE News, natagpuan ang katawan ni Telan sa isang 15-talampakang pool kanina, kung saan siya nalunod.
JUST IN | The Philippine Military Academy confirms that fourth class cadet Mario Telan Jr. drowned in the 15-ft. deep swimming pool of the PMA earlier today. He was declared dead on arrival at the Fort del Pilar Station Hospital following the incident. pic.twitter.com/c2fbZNG0zS
— ONE News PH (@onenewsph) November 8, 2019
Idineklarang "dead on arrival" ang estudyante sa Fort del Pilar Station Hospital.
Sa isang pahayag, sinabi ng PMA na ginagawa na ang lahat ng aksyon upang tugunan ang anumang iregularidad sa insidente.
Sa ngayon, suspendido muna ang lahat ng swimming classes hanggang maresolba ang kaso.
"Nakikiramay ang PMA sa pagkamatay ng isa nating anak. Iaabot ang lahat ng kinakailangang tulong sa naulilang pamilya at mahal sa buhay," sabi ng PMA sa ulat ng ABS-CBN sa Inggles.
Wala pang dalawang buwan nang bawian ng buhay ang 20-anyos na si Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio sa parehong institusyon noong ika-18 ng Setyembre dahil sa hazing. — may mga ulat mula sa ONE News