63 naisagip sa tumaob na barko sa Cebu

Alas-onse nang umaga nang bumaligtad ang MV Siargao Princess dulot ng malalakas na alon matapos lisanin ang Loon, Bohol alas-nuebe y media ng umaga.
The Freeman/Aldo Nelbert Banaynal

MANILA, Philippines — Nailigtas mula sa tiyak na kapamahakan ng Philippine Coast Guard ang 63 katao mula sa lumubog na barko sa Sibonga, Cebu, Huwebes.

Ayon sa ulat ng The Freeman, alas-onse nang umaga nang bumaligtad ang MV Siargao Princess dulot ng malalakas na alon matapos lisanin ang Loon, Bohol alas-nuebe y media ng umaga.

Kasama sa mga nailigtas ang 53 pasahero nito kabilang ang 10 crew, matapos padalhan ng mga rescue team at maliliit na sasakyang pandagat, ayon sa ulat ni PCG spokesperson captain Armand Balilo.

Sa video na ito, makikita kung paanong naihatid na sa Cebu City ang mga naturang pasahero at tauhan ng barko ngayong hapon.

Gumagawa na rin ng mga hakbang ang Philippine Red Cross upang makatulong sa mga biktima.

"Agad na nakipag-ugnayan ang PRC Operations Center sa Philippine Coast Guard ng Loon, Bohol para matiyak ito, at nakikipagtulungan na kami sa lokal na balangay ng PRC sa Cebu City para makapag-abot ng tulong sa mga nailigtas," sabi nila sa Twitter sa Inggles. — may mga ulat mula sa The Freeman at The STAR

Show comments