Opisina ng Bayan ni-raid: 3 aktibista, dinakip

Nasa kustodiya ng Manila CIDG sa Manila Police District (MPD) headquarters sa UN Ave­nue, Ermita, Maynila ang mga inarestong sina Ram Carlo Pacul­ba Bautista, Manila Campaign Director ng Bayan; Alma Estrada Moran, secretariat ng Manila Workers Unity, at Reina Mae Asis Nasino na Manila Coordinator naman ng Kadamay.
File

MANILA, Philippines – Tatlong aktibista ang inaresto ng Manila Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang salakayin ang tanggapan ng militanteng grupong Bayan, kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila.

Nasa kustodiya ng Manila CIDG sa  Manila Police District (MPD) headquarters sa UN Ave­nue, Ermita, Maynila ang mga inarestong sina Ram Carlo Pacul­ba Bautista, Manila Campaign Director ng Bayan;  Alma Estrada Moran, secretariat ng Manila Workers Unity, at Reina Mae Asis Nasino na Manila Coordinator naman ng Kadamay.

Batay sa imbetigas­yon,  ang tatlo ay binitbit matapos na salakayin ng  mga awtoridad ang Ba­yan Manila office  na nasa 672 Flora Street, kanto ng Clemente Street sa Tondo  dakong ala-1:15 ng madaling araw.

Ang raid ay isinagawa sa  bisa ng  search warrants   sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at  sa kasong paglabag sa RA 9516 (Illegal possession of explosives) na inisyu ni Quezon City Regional Trial Court Judge Cecilyn E. Burgos-Villavert, ng Branch 89, dinala ang tatlo ng mga awtoridad.

Nadiskubre ng  pulis ang iba’t ibang baril, mga bala at dalawang granada.

Samantala, kinondena ng grupong Karapatan ang mala ‘Gestapo raid’ na isinagawa sa tanggapan ng Bayan, gayundin ang pag-aresto sa tatlo nilang kasamahan.

Sumugod din ang grupo ng mga militante sa MPD headquarters para ipakita ang kanilang pagkondena sa pag-aresto sa kanilang mga kasamahan at hilingin ang agarang pagpapalaya sa mga ito.

Nanindigan naman si NCRPO Director P/Brig. Gen. Debold Sinas, na legal ang isinagawang raid dahil mayroon  silang search warrant nang isagawa ang pagsalakay at hindi nila pinag-iinitan ang mga lider ng militante dahil sinusunod lamang nila ang inilabas na warrant  sa reklamong pag -iingat ng mga armas na siyang ibinabato sa grupo.

 

Show comments