P36 milyong shabu nasamsam sa 2 drug traffickers

Ang nasa anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P36 milyon na nasamsam sa dalawang drug traffickers sa isinagawang buy bust operation sa Baclaran kamakalawa ng gabi.
Kuha ni Miguel De Guzman

MANILA, Philippines – Umiskor ang mga ope­ratiba ng PNP-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) matapos makum­piska ang P36 milyong halaga ng shabu kasunod ng pagkakasakote sa dalawang pinaghihinalaang big time drug traffickers sa buy bust operation sa Pasay City Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/Col. Romeo Caramat, Director ng PNP-DEG ang mga nasakoteng suspect na sina Emerson Fernandez, 39 at Peter Lanuza, 46.

Nakumpiska  sa mga suspect ang 6 kilo ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P36 milyon.

Bandang alas-8 ng gabi, nang isagawa ang operasyon laban sa illegal na aktibidades ng nasabing mga suspect.

Isinagawa ang transaksyon sa isang fastfood chain sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Bago ito ay isinailalim sa masusing surveillance ang mga suspect. Ang mga suspect ay inaresto sa aktong iniaabot ang 47 malalaking plastic pac­kages ng shabu  na kinuha ng mga suspect  mula sa behikulo ng mga ito na isang Toyota Camry (XAF 784).

Isinailalim na sa kustodya ng PNP-DEG sa Camp Crame ang mga nasakoteng suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act  of 2002.

 

Show comments