MANILA, Philippines — Umusok ang isang tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) kaya pinababa ang may 530 pasahero nito kahapon ng hapon.
Nagresulta rin naman ang insidente sa paglilimita sa operasyon ng MRT-3, sa oras pa naman ng rush hour.
Batay sa abiso ng Department of Transportation (DOTr)-MRT 3, nabatid na dakong alas- 4:08 ng hapon nang mapuna ng driver ang usok mula sa isang tren nila sa northbound ng Santolan Station.
Dahil dito, napilitan ang MRT-3 na pababain ang may 530 na pasahero ng tren.
Kaagad ding pinuntahan ng mga tauhan ng maintenance provider ng MRT-3 na Sumitomo-Mitsubishi Heavy ang umusok na tren upang alamin ang naging dahilan ng aberya at kaagad itong kumpunihin.
Pagsapit ng alas-4:30 ng hapon ay nagpasya rin naman ang MRT-3 na magpatupad ng provisionary service o limitahan ang biyahe ng kanilang mga tren mula Shaw Boulevard hanggang Taft Avenue at vice versa habang hindi pa naaayos ang problema.