MANILA, Philippines — Nakumpiska ng pulisya ang halos P.7 milyong halaga ng shabu buhat sa isang tulak ng ilegal na droga na natiklo dahil sa nakalitaw niyang baril sa tagiliran habang nanonood ng isang laro ng basketball sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Major Timothy Aniway Jr., hepe ng District Special Operations Unit, ang nadakip na si Saude Monti, 31, binata, walang trabaho at nakatira sa Unit 3rd Floor, Bldg. 11 MRH 4, Pabahay, Sta. Rita Street, Brgy. 188 Tala, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng DSOU kay Northern Police District Director Police Brig. Gen. Ronaldo Genaro Ylagan, nagsasagawa sila ng ‘surveillance operation’ sa Sta. Rita Street dakong alas-6:30 ng gabi dahil sa hinahanap nila ang Top 3 Most Wanted Person ng NPD.
Nang mapadaan sa isang basketball court, dito nila napansin ang isang miron na may nakausling baril sa kanyang tagiliran. Maingat na nilapitan ng mga pulis ang suspek na wala nang nagawa nang mapaligiran siya.
Bukod sa kalibre .38 baril na may dalawang bala, nadiskubre sa posesyon ng suspek ang dalawang malaking plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. May timbang itong 100.46 gramo at nagkakahalaga ng P684,000 street value.