MANILA, Philippines — Tulad ng inaasahan, dagsa ang mga nagtungo sa Manila North Cemetery kung saan tinatayang nasa 640, 000 katao ang pumasok upang dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay.
Ayon kay MNC Director Roselle ‘Yayay’ Castañeda, umaabot sa 640,000 ang pumasok sa sementeryo hanggang kahapon ng hapon.
Ipinagmalaki ni Castañeda na hindi nakaranas ng pagsisikip ang mga tao na pumapasok at lumalabas sa sementeryo dahil na rin sa tulung-tulong na ayuda ng mga awtoridad.
Tuluy-tuloy pa rin ang inspeksyon ng mga tauhan ng Manila Police District at City Security Force kung saan libu-libong mga flammable at matatàlas na bagay ang nakumpiska sa kabila ng mga paalala ng North Cemetery.
Wala namang naiulat na anumang karahasan sa loob ng North Cemetery bunsod na rin ng police visibility.
Ayon naman kay MPD Director Brig. Gen. Bernabe Balba, 24 oras ang pag-iikot ng kanyang mga tauhan upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalaw hanggang ngayon.
Inaasahan ding marami pa ang magtutungo ngayon kaya nakaantabay pa rin ang MPD, Manila Disaster Risk Reduction Management Office Manila Health at Manila Traffic and Parking Bureau.
Sa panayam kay Jovy Dantes ng Pilipino Star Ngayon, may 10 taon nang nakalibing ang kanyang mga magulang kaya’t 10 taon din silang nagtitiyaga sa siksikan at tulakan. Subalit kahapon sa kanilang pagdalaw, maayos, maluwag at malinis ang sementeryo na matagal ding napabayaan.
Samantala, pinagkukumpiska naman ng mga pulis ang susi ng mga pasaway na tricycle driver na kumukuha ng mga pasahero.
Nabatid na naglagay ng harang ang mga pulis upang hindi na makasikip at makasagabal ang mga tricycle sa papalabas na mga dalaw. Subalit patuloy ang pag-uunahan ng mga tricycle driver sa mga pasahero na nagiging sanhi ng pagtatrapik.