MANILA, Philippines — Hindi inakala ng isang trike driver na mabibiyayaan siya ng P200,000 cash at trabaho nang isauli niya ang bag na naglalaman ng P1.2 milyon na naiwan ng kanyang pasahero noong Oktubre 29 sa Quintin Paredes st. Binondo, Manila.
Ipinagmalaki ni Manila Mayor Isko Moreno si Benjie Ordanza, 42, taga-Baseco Compound, Port Area, Maynila nang isoli nito sa tulong ni Councilor Darwin Sia ang bag ni Zhang Lei, 26, Chinese national at nanunuluyan sa New Port, Pasay City na naglalaman ng P1.2 milyon, Rado watch, Chinese passports at power bank.
Batay sa report, sumakay si Zhang sa tricycle ni Ordanza kasama ang isa pa nang maiwan nila ang bag sa loob ng tricycle pagbaba sa Binondo.
Habang naghihintay ng pasahero si Ordanza ay saka lamang niya napansin ang bag na puno ng pera kaya minabuti niya muna itong iuwi sa kanilang bahay at i-turn over kay 2nd District Councilor Darwin Sia.
Bilang gantimpala, binigyan naman ni Moreno ng P100,000, jacket si Ordanza at binigyan ng permanenteng trabaho sa city hall. Binigyan din ni Zhang si Ordanza ng P100,000.