MANILA,Philippines — Isang pamilya na binubuo ng tatlo katao ang nasawi nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Arvi Delfinago, 24, asawa niyang si Jovelyn Ralla, 20, at kanilang anak na si Jhay Arvi Delfinago, 2, ng Block 1, Lot 60, Sampaguita St., Maligaya Park Subd., Brgy. Pasong Putik.
Batay sa ulat ni FO3 Leonathan Tumbaga ng Quezon City Fire District, dakong alas-12:15 nang madaling araw nang magsimulang sumiklab ang sunog sa naturang tahanan na pagmamay-ari ng isang Salve Bernal, 55.
Kaagad naman umanong naideklarang under control ang sunog dakong ala-1:25 ng madaling araw, at tuluyang naideklarang fireout dakong ala-1:38 ng madaling araw, dahil na rin sa maagap na pagresponde ng may siyam na fire truck sa lugar.
Gayunman, minalas pa ring bawian ng buhay ang mga biktima, na hindi na nakalabas pa ng kanilang tahanan.
Dakong alas-3:00 ng madaling araw na umano nang matagpuan ng mga rumespondeng bumbero ang mga bangkay ng mga biktima sa iba’t ibang lugar habang nagsasagawa sila ng clearing operation sa lugar.
Ayon kay F/Capt. Marvin Mari, ng Brgy. Pasong Putik Fire Station, may walong tahanan pa ang nadamay sa sunog, na tinatayang tumupok sa humigit-kumulang sa P50,000 halaga ng mga ari-arian.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pinagmulan ng apoy.