Doktor, driver ng OSSAM, iimbestigahan sa pagkamatay ng pasyenteng buntis
MANILA,Philippines — Pinaiimbestigahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang sumbong na pinabayaan umano ng doktor at driver ng ambulansiya ng Ospital ng Sampaloc ang isang buntis nang ilipat ito sa Ospital ng Sta. Ana kahit dinudugo na.
Sa interview kay Moreno, sinabi nito na inatasan na niya si Ospital ng Sampaloc (OSSAM) Director Aileen Lacsamana na alamin ang tunay na pangyayari. Sampahan ng kaso kung sinuman ang may kapabayaan.
Batay sa inisyal na report, sinabi ni Moreno na nagtungo sa OSSAM si Myra Morga dakong alas- 8 ng umaga noong Oktubre 21 at nakita ng OB na walang heartbeat ang sanggol.
Dahil dito, minabuti ng attending physician na ipalipat ang ginang sa Ospital ng Sta. Ana dahil walang sapat na kagamitan at iba ang kondisyon ni Morga. Hinatid sila ng ambulansiya ng OSSAM sa Ospital ng Sta. Ana subalit hanggang labas lamang.
Alas-12 ng hatinggabi nang ipanganak ni Myra ang patay na sanggol at makalipas ang ilang oras ay binawian din ng buhay si Myra.
Ayon kay Rebecca Morga, kapatid ni Myra at Danilo Publico, live-in partner ni Myra, posibleng ang dinanas na hirap sa paglalakad ang sanhi ng pagkamatay ng mag-ina.
Ngunit sinabi ni Lacsamana na walang rekord si Myra sa OSSAM. Dumating ito sa ospital na masakit na ang tiyan kaya’t agad na inayudahan ng mga doktor. Kinailangan lamang na ilipat sa ibang ospital na mas kumpleto ang pasilidad.
Wala ring kasama si Myra na kamag-anak na maaaring magpasya sa anumang test na gagawin sa kanya.
Aminado ang hospital na tumagal ang pagpapaanak kay Myra subalit iyon ay protocol.
Nilinaw ni Moreno na walang diskriminasyon sa mga humihingi ng tulong lalo na kung emergency.
- Latest