MANILA,Philippines — Aabot sa 300 kilong ‘double-dead’ na karne o ‘botcha’ ang nasabat ng Pasay City Veterinary Office habang nakalatag ito sa isang bangketa malapit sa isang pamilihan sa lungsod kahapon ng umaga.
Dakong alas- 10:00 ng umaga nang masabat ang mga naturang karne na nasita sa may Advincula St. at FB Harrison nang nasabing lungsod.
Ito’y matapos na makitang nakalatag sa bangketa na umano’y nangangamoy na ang mga karne ng baboy sa nasabing lugar at nakatakdang i-deliver sa kanilang mga kostumer.
Ayon kay Dr. Rolando Buenasor, City Veterinary Chief, aksidente lamang na natiyempuhan nila ang mga nabanggit na karne habang tinatadtad gamit ang maruming sangkalan at sa tabi lamang ng kalye ito ginagawa.
Sa kabila ng masangsang na amoy, nagtataka naman ang Veterinary Office dahil sa may kaukulang permit ang naturang mga karne para ibenta.
Ngunit dahil sa maling pamamaraan ng “handling”, kinumpiska ng lokal na pamahalaan ang mga naturang karne na pinaniniwalaang mga botcha.
Pinagsabihan din ng Veterinay Office ang mga opisyal ng barangay na huwag hayaan ang mga meat vendors na basta na lamang isinasalya sa bangketa ang mga karne at huwag dito pira-pirasuhin.