MANILA,Philippines — Tiyak na kagigiliwan ng mga magtutungo sa Manila South Cemetery ang pagbisita nila sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay dahil sa free WiFi connection na ibibigay ng pamunuan ng sementeryo ngayong darating na Undas.
Sinabi ni Daniel Tan, cemetery administrator, na libreng makakakonekta sa Wifi signal ang mga magtutungo sa sementeryo mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3.
Bukod dito, may high-tech na database na rin ang sementeryo para mas madaling mahanap ng mga kaanak ang puntod ng kanilang mga yumao.
Sa kabila nito, binigyan na lamang ang mga maglilinis ng puntod ng hanggang Oktubre 29 at ipagbabawal na ito mula Oktubre 30 (Miyerkules). Ito ay upang tumutok na ang mga kaanak sa pagdarasal para sa kanilang mga yumao at iba pang selebrasyon tulad ng mga “family reunions”.
Mula nitong nakaraang Lunes, umabot na sa 150,000 tao ang nagtungo sa naturang sementeryo na may 25 ektarya ang lawak at ang malaking bahagi ay sakop ng Makati City.
Nagtalaga na ang pamunuan ng sementeryo ng 200 tauhan para magbigay ng seguridad bukod pa sa mga tauhan ng pulisya at lokal na pamahalaan na itinalaga rin dito. Naglagay na rin ng mga closed circuit television camera (CCTV) sa mga istratehikong lugar para sa monitoring sa publiko.
Muling iginiit ng pamunuan ng sementeryo sa publiko ang pagbabawal sa pagdadala ng anumang uri ng matatalas na bagay, mga patalim, baril, sound systems, inuming nakalalasing, mga baraha at iba pang kemikal para maging sagrado ang paggunita sa Undas.