MANILA,Philippines — Umarangkada na ang “Pera sa Basura Program” ni Manila Mayor Isko Moreno na solusyon sa problema sa basura, polusyon, at pati na rin sa kalinisan sa Pasig River.
Kamakalawa ay pinangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna, katuwang ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC), at tatlong malalaking kompanya sa bansa, ang paglulunsad ng incentivized waste collection program na pinamagatang, “Kolek, Kilo, Kita para sa Walastik na Maynila” na ginanap sa Balut, Tondo, Manila.
Ang programang ito ay naglalayong magkaisa ang mga residente, lokal na pamahalaan, at mga pribadong kompanya na pangalagaan at mapanatiling malinis ang kapaligiran.
Sinabi ni Lacuna na hinihikayat nila ang mga residente na kolektahin ang mga plastic na kada kilo ay may katumbas na P10.00 halaga na maaaring maipagpalit ng home products.
Ang ‘collection center’ ay ilalagay sa mga barangay at kokolektahin isa o dalawang beses sa isang buwan.