MANILA,Philippines — Patay ang isang manager ng kompanya makaraang barilin sa sentido ng hindi pa nakikilalang suspek sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay nakilalang si William Roger Uy, 45, assistant manager ng Phamagro Inc., at residente ng San Nicolas St., Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SSgt. Julius Paz, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-12:30 ng madaling araw sa nasabing barangay.
Ayon sa report, naglalakad pauwi ang biktima sa kanyang tahanan nang sumulpot mula sa kanyang likuran ang gunman at malapitan siyang pinaputukan ng baril sa kanang sentido.
Nang duguang bumagsak ang biktima ay kaswal na naglakad lamang ang gunman patungong Masaya Street, bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya para mabatid ang motibo ng krimen, makilala at madakip ang salarin.