MANILA,Philippines — Nagdesisyon ang National Water Resources Board (NWRB) na gawing 40 cubic per seconds ang alokasyong suplay ng tubig sa Metro Manila.
Ayon kay Dr. Sevillo David Jr., executive director ng NWRB ang desisyon ay bunga na rin ng hindi na pagtaas pa ng water level sa Angat dam dahil sa kawalan ng ulan sa may dam watershed.
Anya, ginawa ang hakbang upang mapangalagaan ang dam sa darating na mga panahon at paghandaan ang mga maaaring maganap sa kondisyon ng mga dam sa ating bansa.
Sinabi ni David na may 12 percent ang naging pagbaba sa normal allocation dahil sa hindi normal ang dami ng naisusuplay na tubig sa mga kostumer na galing sa Angat dam
Niliwanag naman ni David na ang malalayo at liblib na lugar ang higit na makakaranas ng mahinang pressure ng suplay ng tubig.
Anya hindi naman magkakaroon ng ma-tinding krisis sa tubig kagaya nang naganap noong nagdaang Marso dahil noong summer ay sobrang baba ng water level sa Angat dam.
“Posibleng magkaroon ng epekto pero minimal lang, hindi na mangyayari yung katulad ng dati na matindi ang kawalan ng suplay, ngayon hindi naman magkakaganun, merong suplay, bumaba nga lang ang dami ng naisusuplay,” pahayag ni David.