7 bata ibinubugaw ‘online’ nasagip

MANILA,Philippines — Nailgtas ng pinagsanib na puwersa ng Taguig City Police at PNP Anti-trafficking Person Division ang pitong bata na ibinubugaw umano sa mga ‘pedophile’ sa online ng dalawang naarestong suspek sa ginawang pagsalakay sa kanilang kuta sa naturang lungsod, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Taguig City Police chief, Col. Alexander Santos ang dalawang nadakip na suspek na sina Rowena Cayanan, 32, at si Edgar  Castaneda Jimenez, 42.

Samantala, may edad na mula apat na taong gulang hanggang 14-taong gulang ang mga nailigtas na bata na kinabibilangan ng apat na babae at tatlong lalaki.

Sa ulat, alas-12:15 ng madaling araw nang magkasa ng entrapment at rescue operation ang pulisya sa bahay ni Cayanan. Ito ay makaraan na magbigay ng impormasyon ang United States Department of Homeland Security sa PNP ukol sa na-monitor nilang bentahan ng bata sa internet na ilan sa mga kustomer ay kanilang mga residente.

Isang asset ng pulisya ang nagpanggap na kustomer at nagawang matukoy ang base ng operasyon ng mga suspek.  Dito inaresto ang mga suspek nang lumantad at makipagtransaksyon sa asset ng pulisya.

Nabatid na isa sa mga bata ay anak ni Ca­yanan habang mga pamangkin niya ang iba na pawang dinala sa Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD) para sa kaukulang pangangalaga.

Show comments