MANILA,Philippines — Naniniwala si Manila Mayor Isko Moreno na dapat nang makipag-ugnayan ang mga awtoridad sa interpol sa Amerika para madakip ang tinaguriang ‘drug queen’ na si Guia Castro.
Sa panayam kay Moreno, sinabi nito na may karapatan na ang Bureau of Immigration, Manila Police District at Philippine Drug Enforcement Agency na arestuhin si Castro na ngayon ay sinasabing nasa Amerika.
Ani Moreno, dapat na ipursige ng mga awtoridad ang pagdakip kay Castro na may tatlong standing warrant of arrest at kanselado ang pasaporte kaya’t maaari na itong dakpin.
Sinabi ni Moreno na dapat na ipaliwanag ni Castro ang mga paratang sa kanya. Marami umano itong dapat na linawing isyu tungkol sa droga.
Gayunman nilinaw ni Moreno na bukas pa rin ang kanyang tanggapan sakaling naisin ni Castro na sumuko.
Ayon kay Moreno, taga- Maynila si Castro at dating barangay chairman kaya’t ibinibigay pa rin nila ang respeto dito.
Samantala, sinabi naman ni outgoing MPD Director Vicente Danao na hindi maaaring basta na lamang magbigay ng sertipikasyon na drug free ang barangay kung may nananatili pang user o pusher.
Ani Danao, dumadaan sa masusing evaluation ang pagbibigay ng drug free certification kaya’t hanggang ngayon ay umaabot pa lamang sa 37 ang kanilang naiisyuhan mula sa 896 barangays sa Maynila.