Traffic enforcer tiklo sa kotong
MANILA,Philippines — Kalaboso ang isang miyembro ng Traffic and Parking Management Office ng Pasig City na sinasabing nangongotong ng P2,000 sa isang truck driver sa Brgy. Kalawaan, Pasig City kamakalawa ng hapon.
Hindi na nakapalag ang suspek na si Apollo Larena, 43, nang posasan ng mga tauhan ng Pasig City Police habang aktong tinatanggap ang P2,000 marked money mula sa complainant na si William Mejia, 42, truck driver, sa Elisco Rd., sa naturang barangay, dakong alas-5:00 ng hapon.
Sa ulat ng pulisya, nagsumbong sa kanila si Mejia dahil sa hinihinging P2,000 ni Larena kapalit ng hindi nito pag-iisyu ng ordinance violation receipt dahil wala umanong plaka ang likurang bahagi ng truck.
Gayunman, nakiusap umano ang biktima na P500 lamang ang kanyang kayang ibigay ngunit tinanggihan ito ng suspek.
Kalauna’y pumayag naman ang biktima na magbayad, ngunit lingid sa kaalaman ng suspek ay nagsumbong ito sa pulisya.
Kaagad namang nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Intelligence and Follow-up unit, sa pangunguna ni P/MSgt Joel Laraya laban sa suspek, at kaagad itong inaresto at binitbit sa presinto.
- Latest