MANILA, Philippines – Nais ng biyuda ni Batuan Vice Mayor Charlie Yuson III na mailipat sa Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation laban sa mga suspek sa naganap na pamamaslang sa kanyang mister noong Oktubre 9, sa Sampaloc, Maynila.
Sa ginanap na press conference, iginiit ni Atty.Edward Marcaida, legal counsel ng pamilya Yuson na mas gusto nila na DOJ main office ang humawak ng kaso at hindi si Manila City Assistant Prosecutor Jovencio Senados.
Pinag-aaralan din ng kampo ni Yuson na kasuhan si Senados dahil sa naging rekomendasyon nito na palayain sa pamamagitan ng ‘release for further investigation’ ang mga dinakip na suspect nang isailalim sa inquest proceedings kamakailan.
Kasabay nito, nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte si Gng. Lalaine Yuson na matulungan sila sa kaso para lumabas ang katotohanan.
Binigyang-diin ni Gng. Yuson na walang ilegal na aktibidad ang kanyang mister tulad ng pinalulutang ng ibang tao na sangkot ito sa gunrunning at illegal drug activities.