Pinal na: Closure order vs Isetann ibinaba ng Manila LGU
MANILA, Philippines — Pormal nang ipinag-utos ng lokal na gobyerno ng Maynila ang pagsasara ng isang shopping mall sa Recto Avenue, Maynila matapos madiskubreng lumalabag ito sa mga ordinansa at nag-"misrepresent" ng mga aplikasyon ng permit.
Sabi ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, nag-ooperate raw ang may-ari ng mall na Tri-Union Properties Inc. bilang lessor kahit na "wala ang kinakailangang business permit."
Inilabas ng Manila Public Information Office ang kopya ng closure order sa kanilang Twitter account ngayong hapon.
READ: The closure order served by the Manila City government#AlertoManileno pic.twitter.com/ZmJSbzyMNm
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) October 9, 2019
Ayon sa dalawang pahinang papel, sinasabing walang binigay na business permit sa Tri Union Properties Inc., o sa anumang negosyo, para sa pag-lease ng stalls at mga espasyo sa loob ng Isetann Cinerama Complex.
Pero hindi lang basta isyu ng permit ang dahilan ng pagpapasara.
Nagkaroon daw kasi ng misdeclaration sa aktwal na laki ng pinagnenegosyohan at kwestyonableng bilang ng mga empleyado.
"Sa valid business permit nila, idineklara nilang 1,000 square meters [lang ang business area nila] at meron lang 10 empleyado," ani Domagoso.
Sa apat na sinehan sa loob ng mall complex, sinasabing iisa lang ang may business permit.
"Pagdating sa operational cinemas, may existing at valid business permit para lang sa isa na pinatatakbo ng Cineworld Cinema, Inc. na balido hanggang katapusan ng 2019," dagdag niya.
Ika-7 ng Oktubre raw nang mag-isyu ng memorandum si Police Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng Special Mayor's Reaction Team, para iberipika ang mga impormasyon at mag-imbestiga sa mga establisyamento.
Nilinaw naman ni Domagoso na pwede uling buksan ang Isetann oras na sumunod sila sa mga rekisitos na hinihingi ng lokal na gobyerno.
Una nang nagbanta ang alkalde na ipasasara ang mall dahil sa mga reklamo na nagkakanlong sila ng mga nagbebenta ng nakaw na cellphone. — James Relativo
- Latest