MANILA, Philippines — Isang 71- anyos na puganteng Japanese na wanted sa kasong fraud at sinasabing dating miyembro ng Yakuza syndicate ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI).
Ang nadakip ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit ng Immigration sa service road ng Roxas Boulevard, Pasay City ang suspect na si Katsumi Ohno.
Una nang hiniling ng Japanese embassy ang deportation ni Ohno noon pang Pebrero dahil sa standing warrant of arrest na kinakaharap nito.
Ayon sa Immigration, paso na ang pasaporte ni Ohno noon pang Nobyembre 2018 kaya maituturing na itong isang undocumented alien.
Dinampot si Ohno sa bisa ng warrant of deportation na pirmado ni Immigration Commissioner Jaime Morente. Ayon sa Immigration, mayroon nang deportation order kay Ohno na pirmado ng Board of Commissioners noon pang Hunyo 20, 2019.
Inilagay na rin sa Immigration blacklist ang dayuhan para hindi na payagan pang makabalik ng Pilipinas.
Sa record ng BI, dumating sa bansa si Ohno bilang turista mula Hong Kong noon pang April 10, 2011. Dito na siya sa Pilipinas nagtago mula noon.
Pansamantalang nakapiit na ang nasabing dayuhan sa detention facility ng Immigration sa Bicutan, Taguig.