Sa Star City fire
MANILA, Philippines — Aabot ng 45 na araw bago makapagpalabas ng resulta ng isinasagawang imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa naganap na sunog sa sikat na amusement park na Star City sa Pasay City.
Ito ay sa kabila na inisyal na sinabi ni BFP-Pasay City Fire Marshall Supt. Paul Pili na arson at electrical ang una nilang tinitignan na sanhi ng sunog.
Nitong nakaraang Huwebes, nag-umpisa nang pasukin ng mga imbestigador ang apat na ektaryang compound ng Star City para sa Phase 1 ng kanilang imbestigasyon.
Sinabi ni Pili na natuklasan nila ang ilang malalalim na hukay na maaaring may naganap na pagsabog na posibleng tinaniman ng gasolina. Hindi pa naman kumpirmado ito na kanilang masusi pang inaanalisa.
Kumuha na rin ang BFP ng sampol ng mga abo at iba pang debris bilang ebidensya na isasailalim nila sa pagsusuri.
Nakatakda ring kunan ng pahayag ng BFP ang mga tauhan ng amusement park maging ang mga tauhan ng iba pang establisimiyento tulad ng radio station na DZRH at mga FM stations.
Sa ngayon, hiniling ng BFP sa pamunuan ng Star City na huwag munang pakialaman ang loob nito para mapreserba ang mga ebidensya at maisagawa ng maayos ang kanilang imbestigasyon. (Danilo Garcia)