MANILA, Philippines — Arestado ang isang opisyal ng Barangay Anti-Drugs Abuse Council (BADAC) ng Valenzuela City na nangotong ng P18,000 sa isang residente kapalit ng pabor na matatanggal sa drug watchlist.
Ipinagharap ng reklamong Direct Bribery o paglabag sa Article 210 ng Revised Penal Code at RA 3019 Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Valenzuela Prosecutor’s Office ng National Bureau of Investigation-Special Task Force (NBI-STF) ang suspek na si Saturnino Santiago, coordinator ng Valenzuela BADAC.
Si Santiago ang nangangasiwa sa rehabilitation process at may awtoridad na magdeklarang naka-comply na sa Community Wellness Program ang nasa barangay watchlist na mga sumuko sa ‘Tokhang’ at sumailalim sa rehabilitation.
Noong Nobyembre 2016 nang sumuko sa ‘Operation Tokhang’ ng Valenzuela PNP ang complainant at nai-turn -over sa BADAC subalit nabigong makatapos ng programa sa rehab dahil inuna niya umano ang pagtatrabaho hanggang sa nailipat siya ng schedule at ilang beses na nabigong makatapos hanggang sa kasalukuyang taon.
Noong nakalipas na Setyembre 17, tinawagan ang complainant ng suspek na nagsabing hindi ulit siya makaka-graduate sa rehab program dahil sa mga absences.
Pinuntahan pa ng suspek ang complainant at sinabihang di na siya mapoprotektahan kung puntiryahin siya sa police operation kaya mas mabuting makipag-usap umano sa mga operatiba upang matanggal na siya sa watchlist at magbigay ng P18,000.
Dahil dito, nagpasaklolo sa NBI ang complainant sa payo ng Valenzuela Anti-Drug Abuse Council (VADAC) kaya ikinasa ang entrapment operation.
Huli sa akto ang suspek na tinatanggap ang brown envelope na naglalaman ng nasabing halaga mula sa complainant sa pinagkasunduan nilang lugar sa E. Miranda St., Paso de Blas, Valenzuela City.
Nakapiit na sa NBI detention facility ang suspek.