MANILA, Philippines – Kinansela na naman ang klase sa Mapua University sa Intramuros campus matapos na makatanggap ng bomb threat, kahapon ng umaga sa Maynila.
Nabatid na dakong alas -8:24 ng umaga nang mag-abiso sa kanilang twitter account ang Mapua University na bakantehin kaagad ang campus ng mga estudyante at empleyado dahil sa bomb threat.
“Classes are suspended due to a reported bomb threat. Students and employees are required to vacate the Intramuros campus now,” saad ng tweet.
Agad ding itinawag sa Manila Police District (MPD) ang nasabing bomb threat na matapos ang pagsuyod sa campus ng mga tauhan ng Explosives and Ordnance Division (EOD) ay negatibo naman sa anumang pampasabog bandang alas-10:30 ng umaga.
Subali’t may natagpuang isang personal water bottle/container na isa umanong ‘hoax’ improvised explosive device (IED) dahil may nakakabit na orasan ngunit walang kumpletong component na dapat taglay ng isang pampasabog.
Hindi umano masasabing gawa ng isang bomb maker o nais maghasik ng terorismo ang nasabing ‘pekeng’ IED bagkus ay posibleng ang may pakana ay nais lamang manakot sa loob ng unibersidad.
Nabatid na natagpuan sa loob ng isang comfort room ng Mapua University Intramuros campus ang nasabing pekeng IED.
Gayunman, hindi na binawi ng unibersidad ang suspension ng klase at sa halip ay inabisuhan ang mga mag-aaral na online na lang muli ang pagsasagawa ng klase.
“However, today (Huwebes) will be considered as a DIGITAL DAY. All classes will be conducted online,” ayon sa advisory.
Ganito rin ang nangyari noong nakalipas na Setyembre 19 na hindi lamang sa Intramuros Campus, kungdi sa Mapua University Makati campus ang nauwi sa digital day ang mga klase dahil sa parehong nakatanggap ng bomb threat.
Pinaghinalaan din na ang itinakdang pagsusulit ng mga estudyante ang motibo nang nagpadala ng bomb threat.