MANILA, Philippines – Iginiit ng tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kayang maghulog o magbayad ng mga jeepney drivers at operators ng bagong “modern jeep” taliwas sa ipinaglalaban ng mga transport groups sa ginanap na transport strike kamakailan.
Sa panayam sa telebisyon kay Asst. Secretary Celine Pialago, MMDA spokesperson, sasagutin naman umano ng pamahalaan ang 5 porsyento o P80,000 ng tinatayang P2.2 milyong halaga ng modern jeep kung magsasanib ang mga tsuper at operators para bumuo ng isang kooperatiba.
Sa ilalim ng “PUV (public utility vehicle) modernization”, kinumpirma ni Pialago na wala na talaga ang mga paisa-isang prangkisa na idadaan na ngayon sa mga kooperatiba.
“Pag miyembro kayo ng coop, kayo ay VAT-exempt. Malaki ho ang natitipid ninyo basta sama-sama kayo sa iisang coop. Ngayon po kami sa MMDA, mas naniniwala kaming kakayanin nila ‘yan,” ani Pialago.
Bukod sa P80,000 subsidiya, maaari rin umanong makakuha ng loan ang mga may kooperatiba sa Landbank at Development Bank of the Philippines.
Tutol dito ang maraming jeepney drivers. Inirereklamo nila lalo na iyong mag-isang nagmamay-ari ng isang jeep na tuluyan na silang mawawalan ng kabuhayan dahil sa hindi makakayanan ang halaga ng bagong jeep na iginigiit ng pamahalaan.
Sa kabila naman ng subsidiya, nangangailangan pa rin ang mga tsuper na maghulog ng P26,000 kada buwan o P800 kada araw. Ito ay kung hindi sila magpapahinga sa pamamasada sa loob ng buong linggo.