Star City nasunog
Arson sinisilip
MANILA, Philippines – Natupok ang malaking bahagi ng amusement park na Star City kung saan nadamay pa ang tanggapan ng isa sa pinakamatandang istasyon ng radyo na DZRH sa sunog na naganap kahapon ng madaling araw sa Pasay City.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, alas-12:22 ng madaling araw nang unang sumiklab ang apoy na pinaniniwalaang nagmula sa stockroom ng mga stuffed toys at iba pang mga papremyo.
Agad na kumalat ang apoy na biglang lumaki.
Umabot ng Task Force Bravo ang alarma ng sunog pasado alas-2 ng madaling araw kung saan higit sa 19 na mga trak ng bumbero ang kinailangang rumesponde, ayon kay Pasay City Fire Marshall Paul Pili.
Alas-4:30 na ng madaling araw nang makontrol ng mga bumbero ang pagkalat ng apoy kung saan wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente.
Sa mopping operation, tumambad ang kalunus-lunos na itsura ng amusement park na dati ay sobrang saya. Bumagsak ang bubungan ng Snow World, nalusaw ang mga upuan at naging abo na lamang ang mga puwesto.
Nadamay din at nasunog ang katabing tanggapan ng Manila Broadcasting Company (MBC) na nagmamay-ari sa DZRH at Love Radio.
Dahil dito, walang Star City na mapapasyalan ang mga kabataan at kanilang pamilya ngayong Pasko ngunit positibo si Star City spokesperson Rudolph Jularbal na babalik sila sa operasyon at muling magbubukas ng mas malakas sa Oktubre 2020.
Nakatakda namang magpatuloy ng pag-ere ang DZRH at iba pang istasyon nito sa kanilang tanggapan sa Ortigas Center sa Pasig City.
Sinabi ni Pili na isa sa kinukunsidera nila sa imbestigasyon ang posibleng arson. Ito ay makaraan na tila sabay-sabay na sumiklab ang apoy sa iba’t ibang lugar ng Star City habang may pagbabanta umano na natanggap ang may-ari ng establisimiyento. Patuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.
- Latest