Fishing ban sa Marikina River, inalis na
MANILA, Philippines – Inalis na ng Marikina City government ang ipinatupad nitong fishing ban sa Marikina River.
Ayon sa Marikina City Public Information Office (PIO), nagdesisyon si Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na tanggalin na ang fishing ban matapos na lumitaw sa isinagawang pagsusuri na ligtas na ang tubig ng ilog at hindi naapektuhan ng ASF ang mga isdang nahuhuli roon.
Nabatid na kahapon ay nakipagkita si Teodoro sa Marikina Anglers Association (Samahan ng mga Mangingisda) at idineklarang ligtas na ang pangingisda muli sa Marikina River, base sa findings ng Bureau of Fisheries na ligtas mula sa ASF ang mga isda na nahuhuli roon.
Kasama ng alkalde sa pagpapaliwanag sa mga mangingisda ang City Health Office, City Environment Management Office at River Parks Authority (RPA) hinggil sa naturang magandang development.
Nauna rito, may 55 baboy, na hinihinalang namatay dahil sa African Swine Fever (ASF) ang nadiskubreng palutang-lutang sa Marikina River.
Dahil dito, kaagad na ipinag-utos ni Teodoro ang pagbabawal sa pangingisda sa ilog at maging paliligo roon, sa pangambang nakontamina ng ASF ang tubig at mga isda at makaapekto sa mga residente.
Nang makumpirma naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas na kainin ang mga isda sa naturang ilog ay kaagad na ring tinanggal ng alkalde ang ipinatupad na fishing ban o pagbabawal sa panghuhuli ng isda.
- Latest