Pekeng dentista bistado

MANILA, Philippines – Isang 27-anyos na bebot na nagpapanggap na dentista ang inaresto ng mga tauhan ng Caloocan City Police sa ikinasang entrapment operation, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.

Nakilala ang inaresto na si Marilou Ilaya, may-ari ng Padrinao-Ilaya Besa Cruz Dental Clinic at nakatira sa Calaanan Street, Brgy. 74, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Caloocan City Police, unang humingi ng tulong ang mga kinatawan ng Philippine Dental Association (PDA) sa kanila at iniulat ang ilegal na operasyon ni Ilaya.  Ito ay makaraang ilang naging pasyente sa naturang klinika ang lumapit sa PDA at nagreklamo.

Dito nagkasa ng entrapment operation ang pulisya kung saan gumamit sila ng isang pulis na nagpanggap na kostumer na magpapagawa ng ngipin sa klinika ng suspek sa may Villanueva St.  Heroes Del 96  pasado alas-3 ng hapon 

Nang tanggapin ang bayad buhat sa asset, dito pinasok ng mga pulis ang klinika at ipinatupad ang pag-aresto sa suspek. Nang hanapan siya ng mga papeles, walang maipakita ang suspek na magpapatunay na lehitimo ang kanyang operasyon.

Nahaharap ngayon ang suspek sa paglabag sa Republic Act 9484 o ang “An Act to Regulate the Practice of Dentistry in the Philippines” sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

 

Show comments