‘Drug queen’, hinamong lumantad ng DILG

MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ni DILG Secretary Eduardo Año ang binansagang ‘drug queen’ ng Maynila na bumalik sa bansa at harapin ang kontrobersiya  na ito umano ang ‘utak’   sa recycling  ng ilegal na droga ng mga kasabwat ang mga ‘ninja cops’.

 Ito’y matapos na tukuyin ni NCRPO Director P/Major Gen. Guillermo Eleazar na si Guia Gomez –Castro, Chairwoman sa Brgy. 484 , Zone 48 ng Sampaloc, Manila ang umano’y ‘drug queen ‘na napaulat na tumakas na sa bansa.

 “Yes. Sagutin nya itong mga paratang sa kanya at kami rin magko­conduct din kami ng investigation even discreetly to know kung totoo ito, sino mga contacts nya. Alam mo naman basta drugs kailangan tapusin natin yan,” pahayag ni Año.

Sinabi ni Año na magsasagawa ang DILG ng imbestigasyon laban sa drug queen ng lungsod ng Maynila upang sampahan ito ng kasong administratibo.

 “Invite namin sya for the investigation and we will file appropriate administrative charges sa kanya bilang isang government official,” anang Kalihim.

 Tiniyak naman nito na isasailalim sa tamang proseso si Castro sa oras na simulan na ang imbestigasyon laban dito.

Sa panig naman ni PNP Chief Police Gene­ral Oscar Albayalde, sinabi nito na ang banta ni Manila Police District Director Brig. Gen.Vicente Danao laban sa nasabing ‘drug queen ‘ay depende sa sitwasyon.

 “It really depends on how we see the situation. In every police  operation sabi ko nga kung meron naman talagang banta sa buhay ng mga raiding teams then wala kang magagawa but to retaliate of course kung may force, kung may resistance with force then of course yung mga pulis natin, mga raiding teams will also react with force, yun ang talagang mangyayari dyan,”  anang PNP Chief.

Nabatid na si Castro ay lumabas na ng bansa kung saan pinalitan na ito ng ibang Brgy. Chairwo­man sa Brgy. Sampaloc, Manila noong Hulyo 2018.

Idinagdag pa ni  Albayalde, prayoridad naman ng mga pulis na arestuhin ang nasabing ‘drug queen’ at mag-apply sila ng search warrants laban dito.

 

 

Show comments