MANILA, Philippines – Isang 10-taong gulang na pupil sa Zamora Elementary School sa Pandacan, Maynila ang namatay sa hinalang sakit na diphtheria.
Ang diphtheria ay isang sakit na dulot ng impeksyon ng bacteria sa lining sa loob ng ilong at lalamunan. Ang pasyenteng dinapuan nito ay makararanas ng pananakit at pamamaga ng lalamunan o sore throat, lagnat at panghihina.
Kinilala ni Dr. Arnold Pangan, ang pinuno ng Manila Health Department head, Dr. Arnold Pangan ang biktima na si Stephanie Merillo Tolibas.
Nabatid sa nurse ng eskuwelahan na si Josefina de Guzman, na alas-8:00 ng umaga noong Biyernes, Setyembre 20, namatay ang biktima.
Sinelyuhan aniyang mabuti ang bangkay at kabaong ng bata dahil sa hinihinalang diphtheria ang naging karamdaman.
Binigyan na rin ng prophylaxis at pinagsuot ng face masks ang mga classmate ng bata at mga nakasalamuha, habang ang buong eskuwelahan ay nilinis din at dinisinfect. Maging ang pamilya ng bata ay binigyan na rin ng mga gamot.
Aminado naman ang mga magulang ng bata na ang biktima ay walang immunization mula pa noong ipanganak.
Sa ngayon ay naghihintay pa ng resulta ng imbestigasyon ang Manila Health Department mula sa RITM.