6 arestado sa raid sa Recto

MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Inves­tigation (NBI) ang anim na katao nang maaktuhan sa pag-iimprenta ng mga pekeng dokumento na ibinebenta sa university belt area, sa CM Recto, sa Sta. Cruz, Maynila, Sabado ng hapon.

Dalawang bahay na nasa looban o tago ang lokasyon ang sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) sa bisa ng search warrant matapos matukoy na positibo sa ilegal na aktibidad.

Naaktuhan sa nasabing pagawaan ang limang lalaki at isang babae na hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad, sa aktong gumagawa ng mga pekeng dokumento kabilang ang police clearance, NBI clearance, SSS ID, tax identification number ID at iba pa.

Kabilang sa sinamsam ang mga nakabalandrang pekeng driver’s license, police clearance, tax identification number, social security sytem documents at iba pa.

Hindi naman kinagat ng mga operatiba ang depensa ng mga suspek na sila ay binabayaran lamang bilang mang­gagawa at hindi rin nila alam kung nasaan ang may-ari o amo ng pagawaan.

Bukod sa mga pekeng IDs at dokumento, kinumpiska rin ang computer, iba pang makina at paraphernalias na gamit ng mga suspek.

Ayon naman sa nakasasakop na si Barangay 310, Zone 31 Chairman Ronald Gacula, hindi agad napapansin ang mga tago o liblib na lugar na may ginagawang ilegal dahil karaniwan ay ‘front’ nila ang wedding invitation.

Sinabi ni NBI Agent Ruel Dogayon, officer-in-charge ng NBI-IAID, nag-ugat ang pagsalakay nang maaresto ang isang babae na gumamit ng pekeng pasaporte sa tangka niyang pagtungo sa Japan.

Show comments