MANILA, Philippines — Dahil sa natagalan bago matanggal sa loob ng naipit na sasakyan, nasawi ang isang driver nang magkarambola ang tatlong trak sa Osmeña Highway, Makati City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot pang buhay sa Ospital ng Makati si Manuel Nebres, ng Balibago, Sta. Rosa, Laguna.
Sa ulat ng Makati City Police, alas-12:36 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Osmeña Highway Flyover Southbound, Brgy. Palanan, sa naturang lungsod.
Minamaneho ni Nebres ang isang Isuzu Giga Dropside Truck (ACN 5052) na may kargang buhangin sa kahabaan ng southbound lane ng naturang highway nang maatrasan umano ng sinusundan na Fuso Tractor. Pumihit ang Fuso Tractor dahilan para mabundol din ang isa pang trak na may bitbit na container van na nasa kabilang lane.
Napipi ang harapan ng trak ni Nebres na naipit sa loob. Nabatid na umabot ng dalawang oras bago siya natanggal sa pagkakaipit at naisugod sa pagamutan.
Tumakas ang tsuper ng nakabundol na Fuso Tractor habang nakilala naman ang tsuper ng isa pang nabunggong trak na si Joemil Pelengco, 37 na hindi naman nagtamo ng pinsala sa insidente.